Tuesday, March 23, 2010

Liham para sa Pagbabago

Ako po si Cory, 23 taong gulang, nagtapos ng kursong Agham Pampulitika. sumusulat upang hikayatin kayo na tulungan akong baguhin ang sistema ng pagboto sa ikauunlad ng ating bansa. Para po sa inyong kaalaman, mula po sa aking bulsa at sariling pagkukusa ang paggawa ng liham na ito para sa pagbabago.

Nananawagan po ako na suportahan natin si Bayani Fernando sa pagka Bise Presidente. Siya po ang nagbibigay ng pag asa na may pag asenso at madidisiplina ang bawat isang Pilipino. Isang inspirasyon po siya ng kasipagan at produktibong paggawa. Marami pong dahilan kung papaano po tayo mali bumoto at kung bakit hindi nananalo ang mga karapat-dapat tulad ni Bayani Fernando.

1. Huwag po tayong bumoto ayon sa popularidad. Ang mga pulitiko ay gumagastos ng limpak upang maging sikat. Kutakutakot na TV, radio, at print ads ang ginagawa para lamang sumikat. Tungkulin po nating botante na makilala sila sa pamamagitan ng sarili nating pagsusuri. Hindi po ito contest katulad ng “Showtime” na kung sino ang may magandang commercial at magaling magsalita ang siyang nararapat na manalo. Dapat karanasan at katapatan ang tinitignan.

2. Huwag gawing lotto ang pagboto. Marami po sa atin ang naniniwala sa nilalabas na survey. Nahuhubog ang isipan kung sino ang mas may tyansa na manalo. Sasabihin na “magaling sana si Bayani kaya lang hindi malakas sa survey kaya iba na lang ang aking iboboto.” Nagmimistulan pong pagtaya sa lotto ang pagboto dahil inaasahan na ang ibinoto ninyo ang syang tatama o mananalo. Alisin na po natin ito! Iboto kung sino ang dapat at hindi kung sino ang tingin ninyong tatama o malakas. Dahil kung iipunin ang ganitong pagboto, edi nanalo na sana ang kandidatong nararapat. Sa huli, dapat kang mabagabag kung nagluklok ka ng trapo dahil lamang popular ito. Hindi ba't mas panatag ka kung "manalo matalo ibinoto ko ang alam kong nararapat maglingkod sa bayan."

3. Si Bayani Fernando ay isang Inhinyero (Engineer). Pansinin na madalas po na nauupo sa pwesto ay mga lawyers o teacher dahil magagaling po silang magsalita. Katunayan lamang na naloloko tayo dahil nabibighani tayo sa mabulaklak na mga pangako. Si Bayani Fernando po ay isang Engineer na mas bihasa sa paggawa at hindi sa pagsasalita. Ika nga, “Action speaks louder than words.” Makatutulong din po na maiwasan ang korupsyon dahil bilang inhinyero alam niya ang tamang presyo ng mga kasangkapan sa pagtatayo ng gusali o paggawa ng daan kung saan mas nagmumula ang korupsyon.

4. Si Bayani ay may tamang karanasan. Karamihan ng tao, sinasabi na dapat tumakbo muna siyang Senador para daw mas makilala at mas magka karanasan. Dapat po tayong mamulat na si Bayani ay naging Mayor, naging MMDA Chairman, at ngayon po ay tumatakbong Bise Presidente. Ang lahat po ng posisyon na iyan ay nabibilang sa Executive branch ng gobyerno—ang ibig sabihin ay nagpapatupad ng batas o nagbibigay ng serbisyo sa tao. Ang pagiging Senador ay katulad po ng Congressman o Konsehal na syang gumagawa naman ng batas (nabibilang sa Legislative branch) kaya’t ibang iba sa pagiging Bise Presidente. Ang ibig sabihin po nito, hindi kailangang maging Senador para maging Presidente dahil halos katumbas din ito ng bago maging mahusay na doctor sa panggagamot, ninanais natin na maging abogado na muna.

5. Si Bayani ay may magandang pagkatao. Naniniwala po ako na dapat tignan ang pagkatao ng isang kandidato. Si Bayani po ay galing sa hirap at nagsumikap na umasenso (hindi po niya ito pinagkakalat tulad ng ibang trapong kandidato). Si Bayani din po ay may isang matibay na pamilya at may simpleng buhay kahit na siya ay napakayaman na. Hindi tulad ng iba nyang katunggali na hiwalay sa asawa at maraming bahay sa iba’t ibang bahagi sa mundo. Ang pagkakaroon ng simpleng buhay ay repleksyon kung papano sila gumastos. Kung maluho ang uupo, tiyak na buwis natin ang magagamit sa maling paggastos.

6. Si Bayani ay may Focus. Mapapansin sa mga interview na pagtungkol sa intriga sa pulitika ay hindi niya pinapatulan. Hindi dahil duwag siya ngunit mas nakatuon siya sa paggawa ng produktibong bagay kaysa makipag away sa ibang pulitiko. Naniniwala siya na ang lahat ng bagay ay dapat dumaraan sa tamang proseso. Hindi tulad ng kalaban nyang oposisyon na panay batikos ang ginagawa ngunit kailanman ay walang napakulong na corrupt sa gobyerno. Hindi kaya nagpapasikat lang sila?

7. Si Bayani ay hindi mambobola. Naniniwala si Bayani na kung mali ang pangangampanya, tiyak na magiging mali rin ang bunga. Kung bibili siya ng boto, kung bobolahin nya ang bawat mahihirap sa panahon ng eleksyon, wala na rin siyang pinagkaiba sa mga trapo. Naniniwala siya na dapat hikayatin ang mahihirap na maging masipag at bigyan ng pagkakataon na magkatrabaho. Hindi dapat sila kaawaan sa kanilang kalagayan dahil hinid iyon katangian ng mabuting ama. Halimbawa, ang anak o kaibigan mo ay may kapansanan. Bobolahin mo na lamang ba siya at kakawaan?

Marami pang dahilan ang nais kong talakayin ngunit limitado ang espasyo. Sumulat po ako sa inyo dahil natatakot po ako na ulitin natin ang maling ugali sa pagboto sa halalalan na ito. Natatakot din po ako na baka dahil hindi gumagastos ng malaki sa pagkampanya ang nararapat na kandidato ay matatalo na siya. Natatakot po ako na muli ay makukuha tayo sa pangako at pambobola. Natatakot ako na dumating ang araw na ang magagaling at may malasakit sa bansa ay hindi na sumugal sa pagtakbo. Natatakot po ako na mawalan tayo ng pag asa.

Humihingi po ako ng tulong sa inyo na palakasin ang aking tinig. Ipamalita niyo po sa mga kakilala, kamag anak lalo na sa probinsya, o maging sa kasakay ninyo sa jeep, sa ibang botante, o maging sa kabataan. Ipamahagi nyo po at tulungan ninyo ako na huwag isuko ang pag-asa na aasenso ang ating bansa. Bigyan niyo po ng pag-asa ang mga susunod pa na henerasyon. Wakasan na ang mali! Sumulat para sa pagbabago!

Gumagalang,

Cory Bulaong
Nagmamalasakit sa Bansang Pilipinas

2 comments:

  1. Ang SM North dati, labo-labo mga tao sa pagtawid. Ngayon, organisado ang mga footbridges. May mga terminal ang bus. Naging maganda ang paligid dahil inasikaso ni Bayani bilang Chairman ng MMDA. Maging sa Cubao, Katipunan, Commonwealth, at marami pang iba. Hindi ba't mas maganda kung may disiplina at nasa ayos ang lahat?

    ReplyDelete
  2. agree ako sayo. nasa kanya ang boto ko simula pa man.

    ReplyDelete